
Naalala bigla ni Niyebe ang nakita niya kahapon sa daan. Sa may bangketa sa kahabaan ng EDSA ay may mama nagtutulak ng kariton. Nakasakay sa kariton ay isang ale na sa tingin ni Niyebe ay kanyang asawa. Dahil sa tanawing ito napagtanto ni Niyebe na napaka-simple ng buhay nila. Mahirap man ang kalagayan pero nababanaag mo sa kanilang itsura ang kaligayahan. Ang kaligayahang hindi maipagpa-palit kahit sa ano man.
Ang kariton ay naging sisidlan ng simpleng pamumuhay. Ang mga ngiti sa labi ng mama ay isang pangitain na ang pag-tutulak niya sa simpleng buhay ay may kakambal na saya at tiyaga sa anumang daraanan.
Ang ale naka-angat ang ulo na parang ipinagmamalaki sa mundo na ang kariton na kanyang sinasakyan ay siyang sisidlan ng pagmamahalan. At ang mamang nagtitiyagang magtulak ay ang kanyang kabiyak sa hirap at ginhawa ng buhay.
Naisip ni Niyebe na kung sana ganun din kasimple ang kanyang buhay. Ngunit hindi ito maari sapagkat iba naman ang landas na kanyang tinutulay. Ang ganoong kasimpleng buhay, kung kay Niyebe ay ibinigay malamang siya ay bumigay. Hindi ito naayon sa kanyang klase ng pamumuhay.
No comments:
Post a Comment
Thanks for your comment. It is greatly appreciated.